Panghahalay ng Buhay (ONESHOT)

405 7 4
                                    

            HINUBAD nang paunti-unti ng bawat segundo ang pira-piraso ng aking damit kasabay nang dahan-dahang paghamplos ng malambing na hangin sa aking balat na mistulang nagsasabing okay lang ang lahat. Unti-unting nagiging hubad sa katotohanan kasabay nang dahan-dahang pagsilip sa reyalidad kasama ng bawat halik ng araw, hapon at gabi na may inis, galit, saya at paghihinagpis. Mabagal at tila'y malambing ang pagyakap ng bawat minuto, 'di alintana ang unti-unting paghigpit ng bawat yapos mo sa aking katawan. Natitiyak kong nakangiti kang nakatitig sa aking lumuluhang mga mata, 'di sigurado kung dala ito ng aking kasiyahan na nadarama o pilit na nagiging masaya sa bawat haplos, halik at yakap mo.

            Nakapagtataka dahil niyakap din kita, hinalikan at gumanti ako sa bawat yapos mo sa aking katawan ngunit mas malambot, mas magaan, mas mabagal, mas malambing; nakapanghihina, nakawawala ng lakas na tila'y unti-unti kong nararamdaman ang pagbilis ng aking paghinga, kawangis ang paghigpit ng kapit, pagpikit at pagdilat. Hindi nagtagal ika'y nagiging mapusok at ako'y dahan-dahang nawawalan ng lakas, pilit hinahayaan na ika'y maghari sa aking katawan; ang bawat haplos mo ay nakapapaso, ang bawat halik mo ay tila tumatagos sa loob ng aking pagkatao na kusang dumadaloy sa mga ugat na nagkokonekta ng bawat problemang haharapin ko.

            Kusa kong ikinawit ang aking mga paa sa iyong balakang na tila'y gustong iparating ng aking sarili—ang buo kong pagkatao na sa iyo lamang. Takot akong mahulog sa iyong patibong na maaring maging resulta ng lahat ngunit walang kasiguraduhan, maaring ikaw ang maghulog sa akin o ako mismo ang bibitiw... Naramdaman kong unti-unting naglalapat ang iyong malambot na katawan ngunit ito'y mabigat na mistulang unti-unti akong pinapatay; alam kong hindi pa ito ang simula o gitna at mas lalong hindi dito nagtatapos ang lahat.

            Mabilis mong pinasok ang kaloob-looban ng aking pagkatao, masakit at mahapdi ngunit tinitiis ko at titiisin ko, hahayaan ko ang kapusukan mo. Impit ng iyak ang maririnig mo sa gabing madilim na mistulang nagbibigay liwanag sa akin; ang malinis kong pagkatao binahiran mo ng sakit, hapdi at dugo... Dugo ng pagsisisi, dugo ng bawat letra at bantas na mga sinabi mo sa akin na kusang tumagos sa aking puso at dugo ng bawat araw na iniwan mo sa buhay ko. Gusto kong sumigaw at humingi ng tulong sa walang awang panghahalay mo, ngunit nanatili akong tahimik at sinasarili ang bawat ulos mo sa buhay ko. Nilamas mo ang bawat segundo, binaboy ang bawat minuto at ramdam ko ang gigil sa bawat salitang iniwan mo sa akin—sa buo kong pagkatao.

            Subalit, pareho tayong nakaraos. Ikaw sa sarap at ako sa hirap; hinayaan mong damhin ko ang lahat ng bakas na iniwan mo sa buhay ko, hindi ko alam kung matutuwa ako o kung ano mang emosyon ang dapat na maramdaman ko.

            Sa kabilang banda, hindi pa rin maiwasan ang sakit na dinulot mo, ang mga unan na naligo sa dugo na inilabas ng aking mga mata ang isa sa saksi ng panghahalay mo. Gusto kong magsumbong sa Kinauukulan, gusto kong magalit dahil hindi ko ramdam ang hustisya sa iniwan mong bakas sa pagkatao ko.

            Ang mga bagong halik, yapos at ulos na ipararamdam mong muli hindi ko alam kung kaya ko, ngunit nasisiguro kong babaguhin mo muli ang pagkatao ko.

Panghahalay ng Buhay (ONESHOT)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon